Panoorin: Traffic Enforcer Binaril Patay, Suspect na Nagpakilalang Pamangkin ng Heneral,Tukoy Na (Video)

Kinilala na ng pulisya ang isang motoristang bumaril at nakapatay sa isang traffic enforcer sa Pasay City nitong Martes, March 21 dakong 4:00 p.m. Naganap ang nasabing pamamaril matapos sitahin ang suspect ng isa ding traffic enforcer na kasamahan ng biktima dahil sa traffic violation. Panoorin ang GMA News ’24 Oras’ video sa ibaba.

Ayon sa ulat, sakay ng isang Toyota Innova na may improvised plate number UHQ 311 ang suspect nang sitahin ito ni Joey de Chavez, isang miyembro ng Pasay City Traffic Management Office. Sabi ni Chavez, naging sanhi ng traffic obstruction ang nasabing sasakyan sa may intersection ng EDSA at Roxas Boulevard kaya niya ito pinahinto.

Nang lapitan ito ni Chavez, binuksan umano ng driver ang bintana at nagpakilalang isang pamangkin ng heneral at biglang pinaharurot ang kanyang sasakyan. Nakita ito ng isa pang traffic enforcer na si Noel Lunas, at hinabol ang kotse gamit ang kanyang motor.

Pagdating sa may Al Nur Mosque sa Park Avenue, huminto ang Toyota Innova at binaril ng driver si Lunas. Matapos nito, bumaba ang suspect mula sa kotse kasama ang isang babae, at tumakbo sila papalayo. Dead on the spot ang nasabing 46-anyos na traffic enforcer, na nagtamo ng maraming tama ng baril na sinasabing galing sa .45 caliber

Pero dahil nakita sa CCTV ang kanilang mukha, natunton agad ng pulisya ang kanilang mga pagkakikilanlan. Ayon sa pulisya, ang suspect ay gumagamit ng dalawang pangalan – Nashro Bagindulo at Cairoden Mangundao. Ang babae naman na sinasabing asawa ng suspect ay gumagamit ng mga pangalang Norhinia Sema, Agua Sema at Rose Sema.

Pinuntahan ng mga pulis ang bahay ng mag-asawa sa Bella Vista Subdivision, Brgy. Santiago, General Trias, Cavite, pero wala sila doon. Napag-alaman na original na may-ari ng Toyota Innova ay taga-Davao City, pero di pa alam kung kanino ito naka-rehistro ngayon. Sa ngayon, tinutugis na ang mga suspects, na mahaharap sa kasong murder.

Comments

comments