Panoorin: Pasyente, Namatay sa Ospital sa Cavite Dahil Pinabayaan ng Aroganteng Doktor? (Video)

Isang doktor ang inerereklamo dahil pinabayaan daw nito ang isang matandang lalaki, na tuluyang namatay sa loob ng isang ospital. Sa sama ng loob at pagnanais mabigyan ito ng hustisya, nagpasya ang netizen na si Joseph Custodio sa isalaysay sa kanyang Facebook ang buong pangyayari, at ang video ng kanyang ama habang ito’y naghihingalo.

Ayon kay Custodio, dinala nila ang kanyang ama sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital sa Trece Martires, Cavite dahil sa paninikip ng dibdib at nahihirang huminga. Medyo maayos pa naman daw ang lagay ng tatay nya dahil nakapaglakad pa ito papunta sa emergency room ng nasabing ospital, at nakakasagot pa nga ng, “Anak, medyo ok pa.”

Sabi ng netizen, kinunan ng BP (Blood Pressure) ang kanyang ama at ang resulta ay 90/60, na tinuturing na mababa at ang pasyente ay posibleng may hypertension. Nang mapansin ng netizen na nurse lang ang nag-aasikaso sa kanyang ama, lumapit daw siya sa isang Dr. Morada, pero sinabihan daw siya ng “Hintayin mo tawagin pangalan mo.

Pero dahil sa tingin ni Custodio ay inaatake na sa puso ang kanyang ama, muli daw siyang lumapit kay Dr. Morada, pero sinabihan daw siya ng, “Ikaw ang kulit mo, kung nagmamadali ka e di ilipat mo o kaya iuwi mo.” Nahulog pa daw sa sahig ang kanyang ama, pero hindi tumulong ang nasabing doktor na maiangat nito, at parang nang-insulto pa.

Dagdag ng netizen, napasya na siya na ilipat sa ibang ospital ang kanyang ama at humingi ng tulong sa pulis. Pero pagbalik nya sa emergency room, naroon ang isang Dra. Cabrera, na kakarating lang daw, sabi ng kanyang kapatid na babae. Agad naman daw inasikaso ng babaeng doktor ang kanyang ama pero tuluyan na itong binawian ng buhay.

Sa sama ng loob ni Custodio kay Dr. Morada, ipinagtanong nya daw ang buong pangalan nito sa mga nurses at sa information, pero wala diumanong nakakaalam at wala din daw sa mga records. Dahil dito, tumulong ang mga netizens at kanyang mga kaibigan, at napag-alaman na isang doktor sa nasabing ospital na may pangalang Jerome Morada.

Sa isang hiwalay na post, sinabi nya na may isang nurse na tinanong si Dr. Morada sa kanyang impormasyon, pero pabalang daw siyang sinagot ng, “Hayaan mo sya dyan magreklamo wla ako pakialam. Bakit mo ibibigay ang pangalan ko bumalik kana dun at gawin mo trabaho mo.” Samantala, nakuha din daw ni Custodio ang pirma ni Dr. Morada.

Sa ngayon, wala pang pahayag si Dr. Jerome Morada, na ayon sa kanyang Facebook account ay isang medical doctor sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital, nagtapos sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, at nakatira sa Cavite City. Pero kung sakaling mapatunayan na siya nga ang doktor na nagpabaya sa ama ni Joseph Custodio, dapat niya itong panagutan.

Comments

comments